News

Make a Difference

MARK L. MEDALLA | Batch Representative, Trained and Employed at Nestle Philippines, Inc.

Edukasyon ang tanging sandata upang malabanan natin ang kahirapan, mga habilin ng isang ina na puno ng pagmamahal at pangarap sa kanyang anak. Ito ang naging baon ko sa pagpasok sa DUALTECH. Malaki ang kaibahan ng Dualtech sa paaralan na pinasukan ko noong highschool, sa Dualtech itinuturo kung paano naisasabuhay ang magagandang katangian o “virtues” at tinutulungan ang mga mag-aaral na magpasya ng angkop na solusyon sa mga suliranin sa buhay man o sa hanap-buhay. — MARK L. MEDALLA | Batch Representative, Trained and Employed at Nestle Philippines, Inc.

Ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay. Isang tanong na dala dala ko mula pa ng pagkabata, napakatagal bago ko mahanap ang sagot. At ngayon nasagot na ang mga tanong. Tayo’y nakasuot na ng ating mga toga, bilang tanda ng ating pagtatapos sa paaralang ito. Napatunayan ko mahirap ang mag-aral, pero mas mahirap ang walang pinag-aralan.

Hayaan nyo pong ikwento ko sainyo ang aking buhay bago ako makapasok sa Dualtech. Ako po ay ipinanganak sa Tacloban City. Ang aking ama ay isang electrician at aking ina naman ay barangay health worker. Ang kanilang kinikita ay hindi sumasapat sa pang-araw araw naming pangangailangan, lalo na ang gastusin sa pag-aaral. Apat kaming magkakapatid at ako ang panganay. Nang matapos ko ang highschool, hindi na kaya ng aking mga magulang na pag-aralin pa ako sa kolehiyo. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral, at bilang isang kuya hindi mo matitiis na ikaw ang mag-aaral at ang mga kapatid mo ang titigil sa pag-aaral. Kaya upang makatulong, kailangan kong magtrabaho para masuportahan ang mga pangangailangan ng aking mga kapatid. Kahit anong trabaho pinasok ko na. Tulad ng pagbubunot ng damo, paglilinis ng kulungan ng baboy, house boy, pati ang pagiging handler ng manok na pang-sabong. Kahit ano basta’t marangal at kikita ako ng pera hindi ko pinapalampas. Punong puno kami ng pangarap sa buhay, at pilit namin itong pinagsisikapang maabot. Mga pangarap na binago ng isang hindi inaasahang pangyayari. Nobyembre 8, 2013 eksaktong 5:30 ng umaga ang gumulat sa buong mundo, lalong lalo na sa Pilipinas. Isang super typhoon Yolanda ang nag landfall sa Eastern Visayas. At isa mga lugar na lubhang sinalanta ay ang Tacloban City, kung saan ako nakatira. Nasaksihan ko kung gaano kalakas ang bagyo, sa sobrang lakas umaawit ang hangin at ang ulan ay lasang dagat. Kitang kita ng dalawang mata ko kung paano nilipad ng hangin ang mga tahanan ng iba naming kapitbahay, pati mga yero na akala mo ay papel nalang na lumulutang, maging container van inilipad.

Ganoon kalakas ang hangin. Mga ilang minuto lang ang lumipas nagsitakbuhan sa amin ang aming mga kapitbahay. Mga dalawampung katao na kami sa loob ng bahay at ang sabi nila ay umalis na tayo dito tumataas na ang tubig. Sa mga oras na yun ang bahang yun ay alon na pala ng dagat at bigla nalang kaming nakarinig ng may sumigaw “barko” nagulat kami sa aming nakita, barko nga. Mga tatlong bahay nalang ang pagitan sa bahay namin masasagasaan na ang bahay namin, ang tanging pumasok sa isip ko kung mamamatay kami sana sama sama. Mga 10:00 ng umaga na nung kumalma ang bagyo. Nang nasa kalsada na ako mas lalo akong nanlumo sa aking mga nakita. Napakalaking pinsala ang iniwan ng bagyo, wash out ang mga bahay, maging ang mga pangunahing hanapbuhay. Ang mas nakalulungkot pati ang mga mahal namin sa buhay ay kinuha din ng bagyo. Ang lahat ay naghihinagpis, tulala, umiiyak at hindi makapaniwala. Napakalaking tanong sa bawat isa sa amin, bakit kailangan naming maranasan ito? Ang lahat ng pangarap namin sa buhay ay gumuho. Nawalan kami ng pag-asa upang ituloy ang buhay, hindi namin alam kung saan kami mag uumpisa. Nakaligtas nga kami sa bagyo pero para narin kaming pinatay. Wala kaming makain, wala kaming matulugan, wala kaming damit na masuot, wala ng tinira sa amin. Masisisi niyo ba kami kung magagawa naming magnakaw upang meron lang makain at mapunan ang kumakalam naming mga sikmura. Mali ba ang humingi at mag-makaawa ng kunting limos upang makaraos kami sa pang araw araw. Tulong na hindi namin alam kung kailan darating at kung saan manggagaling.

Marso 2014, halos apat na buwan ang lumipas pagkatapos ng bagyo, isang pinto ang nagbukas sa panibagong kabanata ng aming buhay. Nabalitaan ng mga magulang ko sa radyo na merong magbibigay ng scholarship sa mga biktima ng super typhoon Yolanda at yun ang DUALTECH. Pinilit ako ng magulang ko na kumuha ng exam at ng makapasa ako, doon ko lang ulit nasilayan ang mga ngiti ng aking mga magulang. Ngiting bihira mong makita sa kabila ng pinagdaanan namin. Doon ko ulit naramdaman na naging masaya sila. Marso 20, 2014 ang nakatakdang araw kung saan kailangan kong magpaalam sa mga mahal ko sa buhay upang makipagsapalaran sa aming mga pangarap. Masakit isiping kailangan naming iwan ang mga mahal namin sa buhay, sa kabilang hindi pa stable ang aming kalagayan.

Sabi ng mama ko sa-akin, anak mag-iingat ka. Anak nagawa mo na ang parte mo bilang isang kuya sa mga kapatid mo, naitaguyod natin silang mapagtapos ng highschool. Ito na ang tamang oras at pagkakataon upang tuparin mo naman ang mga pangarap mo para sa sarili mo. Edukasyon ang tanging sandata upang malabanan natin ang kahirapan, mga habilin ng isang ina na puno ng pagmamahal at pangarap sa kanyang anak. Ito ang naging baon ko sa pagpasok sa DUALTECH. Malaki ang kaibahan ng Dualtech sa paaralan na pinasukan ko noong highschool, sa Dualtech itinuturo kung paano naisasabuhay ang magagandang katangian o “virtues” at tinutulungan ang mga mag-aaral na magpasya ng angkop na solusyon sa mga suliranin sa buhay man o sa hanap- buhay. Ang buhay ko sa Dualtech ay hindi naging madali, ang totoo ito’y naging mahirap, may mga pagkakataong gusto ko ng sumuko. Ngunit ayoko ring biguin ang aking mga magulang. Kinailangan nating sumunod sa bawat patakaran, at sa paglipas ng panahon aking naunawaan na ang lahat ng ito ay para rin sa aming ikabubuti. Yung mga natutunan natin sa anim na buwan dito sa Dualtech ay nagamit natin sa mga kumpanya kung saan tayo nag training. Hindi lamang ‘technical skills’, lalong lalo na ang kabutihang asal. Marami tayong natutunan sa training, higit pa sa ating inasahan. Ang Dualtech ay hinubog din tayo upang maging tao, hindi lamang tao na matagumpay, kundi mga taong may pagpapahalaga.

Hindi pa ito ang katapusan ng ating paglalakbay, kundi ito ay simula ng panibagong yugto ng ating buhay. Wala akong ibang naiisip sa mga sandaling ito kundi ang kaligayahan at alaala ng ating pinagsamahan kasama ang mga kaibigan, kaklase, mentors, learning facilitators at mga staff, mga industrial coordinators ng Dualtech Training Center Foundation Inc. Sa lahat ng mga isponsor, mga magulang, maraming salamat po. Taos puso po kaming nagpapasalamat sa inyo. Tatanawin naming napakalaking utang na loob ito. Salamat po sa pakikibahagi sa pagtupad ng aming mga pangarap.

At higit sa lahat, ang aming pasasalamat sa Diyos sa lahat ng pagkakataon at biyaya na ipinagkaloob sa atin.

Congratulations sa lahat ng graduates. Tayo naman ang tutulong sa mga kababayan natin upang tuparin ang kanilang mga pangarap. Muli, maraming salamat po sa inyong lahat na nakibahagi sa selebrasyon na ito. Maraming salamat po Dualtech! Maraming salamat po!

Share

Latest News