News

Be a Better Individual

JOEMARIE SAN MIGUEL

Ibinigay ninyo ang mas magandang oportunidad upang ako’y mamulat at pahalagahan ang mga biyayang ibinigay ninyo sa akin.  Sabi sa isang Jollibee commercial na naging viral ngayon sa social media, “Minsan pala kung maghihintay ka lang, darating din ang perfect sa iyo.” Hayaan po nating gumanap bilang Diyos ang ating Panginoon sa ating buhay kasi po mas alam Niya kung ano ang mas nakakabuti para sa atin…

JOEMARIE SAN MIGUEL | Awardee, Gold Merit, Outstanding In-School and In-Plant, and Learning Excellence | Trained at Temic Automotives Philippines | Employed at Toho Precision Molds Philippines

Aking narinig sa isang payo na base sa sermon ng pari sa isang parokya. “Maraming beses sa buhay natin, tayo ay may hinihiling sa Panginoong Diyos. Kung ito’y Kanyang pinagbigyan ang sasabihin natin ay THANK YOU. Ngunit kung hindi tinupad ng Diyos ang ating kahilingan, dapat ang sabihin natin MAS THANK YOU.” Akin itong ipapaliwanag mamaya kung bakit.

Ako po ay nakatira at lumaki sa Antipolo, Rizal. Bago po ako pumasok sa paaralang ito, ako po ay nag-enroll sa isang Engineering Course sa isang pamantasan sa Quezon City. Katulad ng maraming kabataang lalaki ako po ay napabarkada at nawili sa kakalaro ng computer games na dahilan para mag-ka-problema sa aking pag-aaral. Isang araw ako po ay kinausap ng aking mga magulang sa kadahilanang kami ay nagkaroong ng problemang pampinansyal, at kailangan kong tumigil dahil sa hindi na kinaya na pagsabayin kaming pag-aralin ng aking ate sa kolehiyo. Ako po ay nagduda at nalungkot sa aking sinapit na hindi tiyak kung ako’y makakabalik sa aking pag-aaral. Pano na ang aking kinabukasan? Nasira na… Dahil ako’y palpak.

Ipinagdasal ko sa Diyos na sana ako’y hindi matigil sa pag-aaral. Ngunit hindi Niya ito tinupad. Habang aking dinidibdib ang aking sinapit, may nagbigay payo sa aking ama, na nagtratrabaho bilang isang maintenance personnel sa Regional Office ng Opus Dei sa Quezon City, na i-try ko mag-aral dito sa Dualtech. Hindi ako nag dalawang isip na tanggapin ang alok dahil sa ayaw ko rin naman tumigil ng pag-aaral. Muli bumukas ang pag-asa para sa akin.

Kampante akong pumasok bilang bagong estudyante noong June 2015. Ngunit nagulat ako sa higpit ng patakaran at tutok sa “hands-on” sa mga subjects. Hindi naging madali sa akin ang mag-adjust sa mga mahihirap na gawain lalong lalo na sa Benchwork. Naalala ko pa noong pagkatapos ng unang meeting namin na anim na oras kong pagkikil ng bakal ay nilagnat ako pag-uwi ng boarding house. Naisipan ko ding sumuko agad katulad ng karamihan, na hindi ko kayang tumagal dito. Nakakatuwang isipin na naging inspirasyon ko na makakita ng mga kabataang lalaki magkakasama na nangangarap, ng isang magandang kinabukasan mula sa iba’t-ibang lugar sa buong Pilipinas. Sila nga mas malayo pa ang pinanggalingan, mas mahirap pa ang pinagdaanan kaysa sa akin ay kinakaya ang pagsubok, laging sinasabi sa akin ng aking magulang sa tuwing ako’y nagrereklamo sa kanila, “kaya mo yan, ikaw pa?” Sa paglipas ng panahon, nakayanan at nagustuhan ko na ang Dualtech, naunawaan ang sistemang kanilang ipinapatupad lalo na ang maging responsible at matutong mag sakripisyo. Marahil isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi ako nagpatalo sa pagod, sa pagiging malayo sa pamilya, kayo din mga kapwa graduates, sa pagtitiis, sa halip ay lalong nagpursigi na matapos ng maayos at ng may kalidad ang ating mga gawa.

Pagdating sa ASTP, sari-sari din ang mga napagdaanan ng bawat isa sa atin. May narinig pa akong kwento na ang kamay daw nila ay nagkapaltos paltos na sa pagkabit ng mga turnilyo sa tuloy-tuloy na production. Na araw-araw ang ilan sa atin ay ang planta na daw ang nahilo sa kanila sa paikot-ikot at pabalik-balik nila sa buong area ng planta. May mga mahihigpit na supervisor, line leader, at manager. May mga nadamay dahil sa maling gawa ng kasama sa trabaho. Talaga namang iba ang environment sa planta, sadyang maraming tukso at mga gawaing makamundo na kung hindi dahil sa mga itinuro ng Dualtech ay hindi natin malalabanan at maiiwasan.

Laking pasalamat ko sa Dualtech dahil hindi lang sila nagbigay ng bagong pag-asa sa akin, hindi lang dahil sa skills at kaalaman na kailangan ko sa industriya, kundi dahil sa kung paano nito ako hinubog sa aspetong personal at ispirtual, sa mga virtues na naging tatak na kung pano tayo naiiba sa ibang mga manggagawa, at sa pagmumulat sa ating mata tungkol sa Diyos at kung paano natin Siya mamahalin ng lubusan.

Mga kapwa nagsipagtapos, hayaan ninyo po akong ipahayag natin ang ating taos pusong pasasalamat sa lahat ng tumulong kung bakit tayo narito. Sa ating mga guardians, magulang, kay mama at papa na laging may payo sa akin na “kaya mo yan, ikaw pa?” THANK YOU sa inyong suporta. Sa ating mga sponsors at sponsoring companies, sa pagtanggap at pagtitiwala sa amin upang kami ay magkaroon ng suporta at exposure sa pagtratrabaho sa loob ng planta, THANK YOU. Sa lahat ng mga tumulong sa atin magmula pa noong tayo ay nagsimula dito sa Dualtech, mga Learning Facilitators, Advisers, Industrial Coordinators, sa mga kumakausap sa atin na handang makinig, mga Mentors, Coaches, na patuloy na ginagabayan tayo para hindi tayo maligaw ng landas, mga pagpukpok sa atin ng tamang attitude at desisyon sa mga hamon ng buhay, THANK YOU. Sa lahat ng staff ng Dualtech na hindi nag atubiling tumulong sa aming pangangailangan, THANK YOU. Sa mga naging kaibigan at kaklase sa lahat ng kwento na nakakainspire, THANK YOU. Kay Fr. Rafa Martin, THANK YOU. At higit sa lahat, sa ating Panginoong Diyos, MAS THANK YOU, hindi ninyo po tinupad na makapagpatuloy ako sa dati ko paaralan, kasi po ibinigay ninyo ang mas magandang oportunidad upang ako’y mamulat at pahalagahan ang mga biyayang ibinigay ninyo sa akin.  Sabi sa isang Jollibee commercial na naging viral ngayon sa social media, “Minsan pala kung maghihintay ka lang, darating din ang perfect sa iyo.” Hayaan po nating gumanap bilang Diyos ang ating Panginoon sa ating buhay kasi po mas alam Niya kung ano ang mas nakakabuti para sa atin.

Mga kapwa nagsipagtapos, isa itong bahagi ng buhay natin na hindi natin malilimutan, tayo naman ang kailangan magbahagi ng lahat katulad ng mga nagbahagi din sa atin na naging inspirasyon para magsumikap. Malilimutan ba naman natin ang mga sugat, dumi, at tagaktak na pawis sa pagporma at pagpantay sa bakal para maging c-clamp? Ang makuryente ng bahagya at iba pa? Ngayon maikkwento na natin at masasabi sa mga darating na henerasyon na “napagdaanan ko yan!”

Di pa ito ang katapusan, ngunit simula lamang ng panibagong pag harap sa pagsubok sa totoong buhay. Siguraduhin natin na makakamit natin, hindi man mabilisan, basta sa tama at naaayong paraan sa mata ng Diyos, ang ating mga pangarap. Huwag nating kalimutang balikan ang mga tumulong sa atin. Nurture the knowledge and strive further to be a better individual.

Share

Latest News