When Opportunity Knocks

murata“If you have time or opportunity, do it, grab it, don’t lose it. Because it will not come back again. It will be back but it will be different than before. In other words, you will be late.” Yan po ang salitang sinasabi sa akin ng aking ama noong ako ay high school pa lang. Noon ay binalewala ko lang ang kanyang sinabi, pero ngayon ko lang naisip na tama pala ito. Kailangan nating kumilos bago mahuli ang lahat. -- Floro P. Sanchez Jr. Awardee, Merit, In-School Performance Tagbilaran City, Bohol Trainee, Philippine Manufacturing Co. of Murata, Inc.

Ako po ay nakatira at lumaki sa Tagbilaran City, Bohol, bago ko po nalaman at nakapag-aral sa Dualtech, ako po ay nagtatrabaho bilang isang construction helper at minsan ay sumasama ako sa aking ama sa kanyang trabaho para tumulong. May mga pagkakataon talaga na wala akong trabaho, hanggang sumubok akong mag-apply sa mga kumpanya para magkaroon ng permanenteng trabaho. At sa mga panahong iyon, ay hindi ako natanggap dahil sa kadahilanang hindi ko pa natapos ang aking secondary level. Gustuhin ko man pong ituloy at tapusin ang aking pagaaral, pero wala na akong nakitang suporta sa akin ang aking mga magulang, dahil nagsawa na silang magpaaral sa akin sa kadahilanang baka ako raw ay mapabarkada na naman at masayang lamang ang kanilang suporta. Kaya ang buhay ko noon ay umiikot lamang sa barkada, tambay sa kanto, at kung anu-anong ginagawang hindi nakatutulong sa aking sarili.

Isang umaga, narinig ko sa radyo ang Alternative Learning System (ALS), na maaari daw makapag-aral ang mga out-of-school youth na nahihirapang makapagtapos ng pagaaral sa pormal na paaralan. Hindi ko ito pinalampas at nag-enroll ako dito. Tinanong ako ng aking guro kung ano ba ang plano ko pagkatapos ko magaral ng ALS, sumagot ako na “hindi ko pa po alam, dahil wala na pong magpapaaral sa akin sa kolehiyo”. At doon na nabanggit ng aking guro ang pag-aaral sa Dualtech Training Center sa kursong Electromechanics Technology. Hindi ako nagdalawang isip na mag-aral dito sa Dualtech. At doon ko naisip na may pag-asa pa pala akong matupad ang aking mga pangarap.

Ang Dualtech ay paaralang hinahati sa dalawang training, ang BSTP o Basic Stage Training Program, kung saan kami ay nag-aaral ng aming mga subjects, at ASTP Applied Stage Training Program, kung saan kami ay magaaral ng tunay na pagsasanay sa iba’t ibang kumpanya na aming mapupuntahan. Hindi naging madali sa akin ang pag-aaral sa BSTP. Unang-una ay kailangan naming gumising ng maaga para hindi kami ma-late sa klase, at kailangan naming matapos at maipasa ang lahat ng subjects. Sobrang higpit po ng training sa mga bagay-bagay lalo na kapag hindi related sa pag-aaral namin ang aming ginagawa. Ngunit habang tumatagal ay nasasanay din ako sa mga subjects at higit sa lahat ay natuto po akong magdasal at maglingkod sa ating Panginoong Diyos.

Sa tulong ng aking mga kaibigan, kamag-aral, mga learning facilitators, at lalong lalo na sa aming mentors, na kumakausap at gumagabay sa amin sa lahat ng aming prolema maging tungkol ito sa pag-aaral o sa personal. Dahil po sa tulong ninyo, natapos ko po ang aking BSTP.

Hanggang ako ay nag-training sa isang planta sa Batangas, doon kailangan naming makapagsalamuha sa mga kapwa empleyado at doon namin nagamit ang lahat ng natutunan namin sa aming pagaaral sa Dualtech. Ako po ay nagtraining bilang isang machine technician, kung saan hindi po naging madali ito sa akin dahil ito pa lang ang unang pagkakataon kong makahawak ng malalaking makina. Habang tumatagal ay natututo at nagagawa ko na ang mga utos ng aking supervisor at mga kasamahan sa trabaho. Sa tulong po ng aking mga kaibigan, kapwa trainees, mentors at Industrial Coordinator, ako po ay nakatapos ng pagsasanay sa aking kumpanya.

Napakalaki po ang aking pasasalamat sa Dualtech dahil hindi lang sila nagbigay ng bagong pag-asa sa akin, hindi lang dahil sa skills at kaalaman na kaialangn ko sa industria kundi dahil na rin sa kung paano niyo ako hinubog sa aspetong personal at espirituwal. Sa mga Virtue na naging tatak, ana kung paano tayo natututo bilang isang mabuting mangagawa, at sa pagmumulat sa ating mga mata tungkol sa Diyos at kung paano natin Siya mamahalin ng lubusan.

Mga kapwa ko magsisipagtapos, hayaan po ninyo akong ipahayag natin ang ating taos pusong pasasalamat, sa lahat ng tumulong sa atin, at kung bakit tayo nandirito sa kinatatayuan natin ngayon. Maraming salamat po sa Dualtech, sa lahat ng staff, mga learning facilitators, sa mga mentors, sa ating mga guardians, mga sumusuporta, kay mama at papa kahit di kayo nakapunta, thank you po sa inyong mga suporta! Sa ating mga sponsors, lalong lalo na sa Philippine Manufacturing Company of Murata, Inc. Salamat po sa pagtanggap at pagtitiwala sa amin upang kami po ay magkaroon ng suporta at exposure sa pagtatrabaho sa loob ng planta.

Category: 
Share