What I learned from my Father

lapitan, thuperSa Tatay ko po natutunan na ang trabaho, ano man ito ay dapat pagbutihan at tapusin ng maayos. Hindi niya ako pinapabayaang hindi payuhan at gabayan upang ang buhay ko ay umayos. Malaki ang kontribusyon niya sa pagiging disipinado ko sa simulat- simula pa lang. Hindi nakakapagtaka sapagka’t graduate nga siya ng Dualtech Center. -- THUPER NUEVE LAPITAN | Class Valedictorian, Awardee, Merit and Outstanding In-School Training Performance



Ako po ay taga Lian Batangas at anak ni Mr.Efren Ermita Lapitan isang Dualtech alumnus mula sa section A-22( BATCH 1991 – 1993). Noong ako ay nag tapos sa sekondarya taong 2013, ako ay nag enroll sa isang Bachelor Course sa Batangas City. Hindi ako nagtagal dahil napag pasyahan ko na hindi ito ang kursong para sa akin, nag desisyon ako na ang ibig ko talaga ay may patungkol sa makina at mga motor at sa pag papatakbo nito, pagtotorno gaya ng tatay ko.

Nakita ko kung paano nagtrabaho ang aking ama. Hindi siya nahiyang mag simula sa pag kukumpuni ng mga sirang “Appliances” sa mga kapit-bahay, sa totoo lang, siya pa mismo ang naghahanap ng marerepair. Pinalad din siyang makapagtrabaho bilang technician sa mga kumpanya at makapag abroad, sa katunayan umuwi lang siya para sa aking graduation mula sa Saudi Aramco.

Sa kanya ko natutunan na ang trabaho, ano man ito ay dapat pagbutihan at tapusin ng maayos. Hindi niya ako pinapabayaang hindi payuhan at gabayan upang ang buhay ko ay umayos. Malaki ang kontribusyon niya sa pagiging disipinado ko sa simulat- simula pa lang. Hindi nakakapagtaka sapagka’t graduate nga siya ng Dualtech Center.

Kinabukasan din, ay sinamahan ako ng aking tatay dito sa Dualtech upang mag enroll ng kursong Electromechanics Technology. Noong makita ko yung mga estudyante sa Dualtech, ay lalo akong natuwa sapagkat pinag-aaralan nila ang kurso ng actual o hands on, kaya sabi ko noon “Gusto ko dito sa Dualtech”.

Matapos kong malaman ang resulta ng aking pagsusulit ay excited na agad ako kung kailan ako mag sisimula sa aking pag aaral dito sa Dualtech. Noong malaman ko na tatlong araw lang at mag sisimula na agad ako, naisip ko na “ parang ang bilis naman? Magsisimula na agad?” siguro sa kadahilanang sanay ako na malapit lang sa pamilya at mga kaibigan kaya ko siguro naiisip ang mga bagay na iyon. Pero dahil may pangarap ako sa buhay ay sinunod ko ang lahat ng sinabi sa akin ng Dualtech.

January taong 2016, ay nag simula na akong mag-aral dito sa Dualtech at akoy napabilang sa pangkat na C-504. Ang una kong nalaman ay ang mga rules na kailangan sundin hindi dahil kailangan lang sundin, dahil na rin upang madisiplina kami ng maayos. Akala ko noon ay puro technical lang ang itinuturo sa mga estudyante dito sa Dualtech. Mayroon din palang Christian Doctrine na itinuturo din para lubusang makilala namin kung sino ang Diyos.
    
Sabado noon ng tanghali, ang lahat ay nagtitipon-tipon sa study hall. Tapos, tinanong ko yung mga students na nag hahandle sa amin noon. “Kuya, anong meron?” Meron tayong Holy mass na ginaganap dito sa Dualtech kapag tanghali”, sagot nya. Habang tumatagal ang aking pag-aaral ay mas lalo kong nagugustuhan ang Dualtech dahil sa araw araw na pagpasok ko ay panibagong kaalaman ang aking natututunan. Noong unang Linggo ng aking immersion dito sa Dualtech, naisip ko na ,”parang ang hirap” dahil madaming rules at strikto. Pero sinabi ko na lang sa sarili ko na huwag lang naman akong gagawa ng ayaw nila eh wala naman sigurong magiging problema.

Marami akong natutunan dito sa Dualtech. Natuto akong mag torno, gumamit ng Milling Machine, mag Welding, gumawa ng power supply mag konekta ng Motor Control at marami pang iba. Natutunan ko din kung paano makisalamuha at kung paano tratuhin ng maayos ang aking kapwa bilang isang tao. Malaking tulong itong Dualtech para sa aming mga kabataang may pangarap sa buhay. Dahil balang araw, karamihan sa atin ay tatanggapin ang sakramento ng kasal at bubuo ng sariling pamilya. Tayong mga lalaki ang pangunahing magtatrabaho upang buhayin at tugunan ang mga pangangailangan ng ating magiging pamilya at napaka gandang naging pundasyon itong Dualtech upang magkaroon tayo ng maayos na pamilya at buhay balang araw.

Noong matapos ko ang six months basic stage training program, ako ay nadistino sa isang Semi-conductor company sa Carmelray Industrial Park ll. Ako ay na-assign sa departamentong WLP o Wafer level Package bilang isang operator. Noong una, medyo naiinggit ako dun sa mga kasamahan naming na nadistino sa ibang department gaya ng Process engineering at maintenance engineering. Ako ay isang Dicing Machine Operator at kami ang nag-ooperate ng makina na nag hahati-hati ng mga silicon wafers para maging dices.

Kritikal ang aming unang apat na buwan sa planta dahil ang akala ko noon ay apprentice lang kami sa loob pero kami pala mismo ang mag ooperate sa mga makina. Yung ginagawa namin sa loob ng planta ay halos kaparehas din ng ginagawa ng mga regular na empleyado. At sa mga oras na libre ako o walang material na ipa-process, nag-aaral ako ng process ng ibat ibang department upang may matutunan din ako sa bawat linya. Nanonood ako sa mga Technician kapag sila ay nag kukumpuni o nag se-set-up ng mga makina at nag tatanong din ako sa kanila kapag may hindi malinaw sa akin.

Bilang trainee from Dualtech, dapat tayo yung mga magiging huwaran sa loob at labas ng kumpanya. Dapat hindi tayo ang mahahawa sa iba, kailangan maging matatag tayo dahil mayroon tayong sariling daan na binabalangkas. Sa buhay natin lagi nating tatandaan itong dalawang bagay na ito. Una- ibigay natin ang lahat ng ating makakaya. Pangalawa- Diyos na ang magpupuno sa kulang pa. Magkakaiba tayo ng pinag daraanan sa buhay, pero ito ang masasabi ko sa ating lahat. Huwag tayong lumaban ng mag-isa dahil kailangan natin ng karamay, kailangan natin ang Diyos  at bibigyan nya tayo ng kakayahan, lakas ng loob, karunungan na kailangan natin. Mga kapwa kong magtatapos, alam kong mag kakaiba tayo ng dinanas na pag subok sa ating buhay, sa ating training  pero napaglabanan natin ito at natapos na natin sa pamamagitan ng grasya ng Diyos.    

Ngayon, nandito tayo, suot ang ating mga toga . Simula sa araw na ito lalabas na tayo sa Dualtech dala ang markang inukit sa puso at isipan ng bawat isa sa atin. Tungkulin natin bilang isang Dualtech Graduate na isabuhay at ibahagi sa iba ang natutunan natin dito at tulungan ang mga taong nangangailangan ng tulong natin.

Maraming salamat Dualtech! Binigyan mo kami ng mataas na kalidad ng edukasyon.  Sa aking mga magulang at mga kapatid, kayo ang nagging inspirasyon ko sa buhay. Sa aking mga classmates, batchmates, lahat ng Dualtech staff, mga learning facilitators mga coach at mentor at sa lahat ng mga industrial coordinator ng Dualtech, maraming salamat po.

Ganun din sa lahat ng partner companies ng Dualtech na patuloy na sumusoporta sa aming pag aaral, sa AMS-asia Inc. na kung saan ako nag training, mga co-trainee, mga co-worker, sa mga taga pag taguyod ng Dualtech, Maraming salamat po.

At higit sa lahat, Pasalamatan natin ang panginoong Diyos sa lahat ng biyayang ipinag kaloob nya sa atin. Lagi nating tatandaan na lahat ng kung anong meron tayo dito sa lupa ay pag mamay ari ng Diyos. Kung tayoy nakakaangat sa pamumuhay , dahil yan sa Diyos. Kung may talinong taglay, biyaya din iyan ng Diyos. Ating isa-isip na ang tunay nating mithiin dito sa lupa ay ang makarating sa langit at makasama at makita ang panginoong Diyos FACE TO FACE!

Youtube video:

Category: 
Share