Technical Course and Sure Employment

villy“Bukod sa technical course at sure employment na iniaalok ng Dualtech ay itinuturo rin daw nito kung paano ba talaga maging mabuting tao upang maihanda hindi lamang sa trabaho ngunit pati na rin sa aking personal na buhay sa hinaharap. Ang lakas ng dating sa akin noon dahil iyon talaga ang pangarap ko. Ang magkaroon ng maayos, masaya at simpleng buhay.”

Mr. Villy Ver Veneracion
Trained and Employed at NXP Semiconductor Cabuyao, Inc.
Gold Medalist for Merit, In-School Training Performance, In-Plant Training Performance, and Learning Excellence Awardee


     Makalipas ang dalawang taon nating pag-aaral sa Dualtech at sa kani kaniyang kumpanya na ating pinagkuhanan ng karanasan ay naririto na tayo sa pinakahihintay nating pagtatapos. Pagtatapos na simula naman ng isang panibagong yugto na ating tatahakin.

     Magkahalong tuwa at kaba ang aking nararamdaman. Nakakatuwa sapagkat sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang isa sa mga hindi malilimutang sandali sa ating buhay. Matatapos na ang paghihintay dahil matatanggap na natin ang ating pinananabikang mga diploma. Nakakakaba naman dahil hindi pa natin alam kung anu ano pang mga paglalakbay ang ating tatahakin pagkatapos nito.

     Naaalala ko pa noong nagpunta si Sir Ding Capitin sa school namin noong 4th year highschool para ipakilala ang Dualtech. Talagang na-inspire ako sa mga sinabi niya. Kasi bukod sa technical course at sure employment na iniaalok ng Dualtech ay itinuturo rin daw nito kung paano ba talaga maging mabuting tao upang maihanda hindi lamang sa trabaho ngunit pati na rin sa aking personal na buhay sa hinaharap. Ang lakas ng dating sa akin noon dahil iyon talaga ang pangarap ko. Ang magkaroon ng maayos, masaya at simpleng buhay. Kaya naman kahit nakapasa na ako sa entrance exam sa Bulacan State University ay pinili ko pa rin na subukang mag-aral sa isang vocataional school.

     Hindi naging madali ang unang linggo ko na malayo sa aking magulang. Unang beses ko na ma-experience kung paano ma-homesick. Buti na lamang ay kasama ko naman ang kapatid ko at tinulungan ako ng mga kasama ko sa boarding house. Tinuring nila kami na parang kamag-anak din.

     Marami na rin ang nakapagtanong sa akin kung bakit sa private school naman ako nagtapos ng highschool bakit pinili ko pa ring mag-aral dito. Gusto nilang malaman kung ano ba talaga ang maganda rito kumpara sa ibang colleges at universities. Para sa akin ang sagot dito ay dahil sa "malasakit". Iyon talaga ang nangingibabaw na katangian ng institution na ito. Kumpara sa ibang paaralan, masasabi kong and Dualtech ay talagang mayroong malasakit sa kaniyang mga estudyante. Dahil ang layunin talaga nito ay ang makatulong at magbigay pag-asa lalo na sa mga kabataan na nagsusumikap na maiahon ang kanilang buhay.

     Kaya naman wala akong pinagsisisihan sa naging desisyon ko na dito mag-aral. Ang dami ko nang natutunan dito at kung hindi dahil sa Dualtech ay hindi sana agad ako makakapag trabaho at makatutulong sa aking mga magulang. Marahil ay nahihirapan pa rin sila hanggang ngayon sa pagbabayad ng tuition fee.

      Hindi ko lang maiwasan na malungkot at kasabay nito ay maawa sa tuwing mayroong ilang mga estudyante na nagkakaroon ng hinanakit sa paaralan sapagkat nahihirapan sila sa training sa kumpanya at naiisip nila na ang baba baba ng allowance nila. Hindi nila maisip na mapalad pa rin sila kumpara sa iba dahil merong ibang ojt sa ibang school na wala namang allowance. Sana ay ma realize natin na kung highschool graduate lamang tayo o kaya naman ay hindi nakapagtapos ng colloge ay hindi rin tayo makakapasok sa mga company at mahihirapan tayo na maghanap ng stable na trabaho. Mayroon nga akong kaklase, kaya raw niya napiling dito mag-aral dahil andami na niyang work experience ngunit hindi siya matanggap na regular dahil hindi sapat ang kanyang tinapos.

     Gusto ko ring isipin natin  ang mga alumni at mga kuya natin na naunang nagbigay ng karangalang at siyang nagpakilala ng ating paaralan sa mga kumpanya. Sabi nga "It is not the school that builds the students, it is the students that builds the school". Kaya naman ang hamon sa atin na magtatapos ngayon ay isa sa magiging pagtanaw natin ng utang na loob sa paaralan ay ang paghusayan natin ang ating magiging trabaho.

     Kung mapapansin niyo, hindi masyadong kilala ang Dualtech sa mga highscool students. Kahit ako rin noon ay walang kamalay malay na mayroong ganito. Walang advertisement sa mga telebisyon. Hindi kasali sa mga UAAP. Kaya naman tayo, tayo na mga produkto ng pagmamalasakit sa bayan at sa kabataan ang siyang magsisilbing advertisement o ang magpapakilala at mag aangat sa pangalan ng ating paaralan sa ating mga kamag-anak, kakilala, kaibigan, at higit sa lahat ay sa ating magiging katrabaho.

     "Ang buhay ay isang pagsubok." Ito ay isa sa mga natandaan kong aral sa ating BCD o Basic Christian Doctrine Class. Isa na namang pagsubok sa ating buhay ang ating napagtagumpayan. Naging matatatag tayo, nagsumikap at hindi sumuko sa mga pagsubok na kinaharap natin sa larangang ito. Lahat ng pagsubok ay may katapusan. Kaya naman narito tayo upang opisyal na tapusin ang isa sa mga iyon. Sa pagtatapos nito ay huwag nating kalimutan na may bago namang pagsubok ang nagbubukas sa ating buhay. Pagsubok na maaring mas magpatatag at mag pausbong pa ng ating kakayahan para sa ikakaunlad ng bawat isa.

     Kaya naman ikinagagalak kong pasalamatan ang ating mga magulang, kamag-anak at mga mahal sa buhay na sumuporta, tumulong at nagbigay ng inspirasyon sa atin sa nakalipas na dalawang taon. Sila ay nagsiskap na itaguyod tayo upang maabot natin ang ating mga pangarap. Bigyan natin sila ng masigabong palakpakan.

     Gayundin naman sa ating paaralan at sa lahat ng bumubuo rito, sa mga kumpanya na nagbibigay ng kanilang suporta. Ako ay naniniwala na lubos tayong natulungan at naihanda ng Dualtech upang maging mabubuting manggagawa at mamamayan ng ating bansa. Maraming salamat  sa oportunidad na ibinigay ninyo upang maging makabuluhan ang isang yugto ng aming buhay. Naging daan kayo upang maakyat namin ang isa pang palapag na nagbukas ng pintuan sa napakaraming posibilidad sa panibagong paglalakbay. Muli maraming salamat po. Bigyan natin sila ng masigabong palakpakan.

     Higit sa lahat ay nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Diyos na siyang dahilan ng lahat ng nagaganap sa ating mundo at siya ring dahilan kung bakit naririto tayo ngayon. Sa mga biyayang ipinagkakaloob niya sa atin katulad ng pagtatapos na ito. Talaga namang siya ang naging ating gabay at patnubay upang maabot natin ang lahat ng ito. Palakpakan natin Siya.

     Sila ang nagbigay sa atin ng magagandang halimbawa at nagsilbing huwarang modelo ng kagandahang asal. Sana ay gaya nila ay marami rin tayong matulungan at mabigyan ng pag-asa.

     Maraming salamat po at magandang araw pong muli sa inyong lahat.

 

Share