Resilience to Challenges in Life

“Ako ay nagpapasalamat sapagkat mas naging matatag ako sa mga pagsubok, pagkasyahin ang allowance, magtiis sa nilagang itlog, agahan, tanghalian at hapunan na pa minsan-minsan pa ay dalawang beses nalang kumakain sa isang araw. Sinadya kong di ito ipaalam sa magulang ko noong una sapagkat ginusto kong maranasan ang hirap na kung tutuusin ay baliwala nalang sa mga taong tunay na walang makain."

JOHN RUSSEL PINEDA | Merit, Outstanding In-School and In-Plant, and
Learning Excellence Awardee| Trained at Vishay Philippines, Inc.

Isa na namang panibagong kaganapan sa ating buhay ang nangyari ngayon. Napakasaya sapagkat nakayanan nating tapusin ang dalawang taong pagsasanay sa paaralang ito.

Sa loob ng dalawang taon, marami tayong pagsubok na pinagsumikapang lagpasan, mga asal na dapat matutunang isabuhay, mga pagkakamali na ating inamin at itinama, ito ay ilan lamang sa mga bagay na nagpatatag at humubog sa atin upang makarating tayo sa kinalalagyan natin ngayon.

Galing ako sa isang pamilya na kung saan kami ay tinuruan ng mga magagandang asal at magkaroon ng disiplina, na sa akin ang dahilan kung bakit ako nagkaroon ng mga di kaaya-ayang asal na di ibig makita ng iba.

Ginusto kong pumasok dito upang maranasan ko ang mga gawaing ikinukwento sa amin ng Kuya Nicole na grumaduate din sa paaralang ito, at masasabi kong di ako nanghihinayang na dito ako nag-aral sapagkat bukod sa tinuruan tayo ng gawaing pang Electrical, Mechanical, at Electronics, nais pa nila tayong matuto na maging isang responsableng indibidwal na sa panahon natin ngayon ay tila naglalaho na. Sa loob ng anim na buwan na paghahanda sa atin para sa In Plant Training, natuto akong makisama, makipagkaibigan, pahabain ang aking pasensya, at linangin ang aking mga kakayahan at itigil ang labis na pagkukumpara ng sarili sa iba at kainggitan ang mga bagay na meron sila. Mga bagay na di ko ginawa noong nasa high school pa lamang ako.

Dumami ang mga taong aking nakilala at mga naging kaibigan na may kanya kanyang paniniwala at problemang kinakaharap. Dahil sa kanila natutunan kong bigyan ng kahulugan ang aking paggawa at kumilos ng naaayon sa tama.

Panibagong hamon sa ating lahat ang panindigan at ipagpatuloy ang mga gawaing itinuro sa atin nang tayo ay tumungo na sa In Plant Training, kaya nakatutuwang isipin na nagkasama-sama parin kami ng mga naging kaibigan ko sa iisang lugar. Ako ay nagpapasalamat sapagkat mas naging matatag ako sa mga pagsubok na ipinaranas sa akin sa planta, ang magkaroon ng mga kasamahang di ninais na makasama, pahiyain at kutyain sa harap ng mga empleyado at utusan ng mga bagay na pwede kong  ikasama, pagkasyahin ang allowance, magtiis sa nilagang itlog, agahan, tanghalian at hapunan na pa minsan-minsan pa ay dalawang beses nalang kumakain sa isang araw. Sinadya kong di ito ipaalam sa magulang ko noong una sapagkat ginusto kong maranasan ang hirap na kung tutuusin ay baliwala nalang sa mga taong tunay na walang makain.

Kung hindi ko natutunang makita ang mga pagsusumikap ng aking magulang, ang pagpupuyat nila sa pagtatrabaho, ipagluto kami ng pagkain, simpleng pagkamusta sa amin para malaman ang kalagayan namin at pag-aralin kaming mag-kakapatid mawawalang saysay ang aking pag-aaral. Matuto sana tayong tumanaw na utang na loob sa mga pagsusumikap at pagsasakripisyo na ipinakikita nila, sulitin na natin ang mga pagkakataong makasama sila. Nais ko sanang pagtapos nito ay pasalamatan natin sila.

Sa aking mga kaibigan at kakilala na walang sawang nagbibigay sa akin ng mga payo sa mga problemang kinakaharap ko at pagpapakita sa akin ng mga karagdagang inspirasyon kung saan ang iba sa kanila ay laging nag oovertime makatulong lang sa pamilya nila, at sa araw-araw na pagdarasal ng mga mag-aaral sa atin. Saludo ako sa inyo, maraming salamat sa motivation at inspiration niyo.  

Ang pangarap ay siyang dahilan kung bakit tayo patuloy na nagsusumikap. Ito ay mananatiling pangarap kung wala tayong ginagawa at mananatilin pa rin itong pangarap kung ang bagay na ating ginagawa ay wala ring saysay.

Ang Dualtech ay nakilala sa mga samut saring mga kwentong ating naririnig sa mga taong nagsipagtapos dito, mga kaibigan nila at sa iba pang nakaaalam ng paaralang ito, mga kwentong maaaring ikaganda o di kaya ay ikasira nito. Be the best person as we can and strive to do the best everyday not only for us but also to the people surrounding us in order to inspire, to motivate, and to share the things we learn. Lastly, to continue upholding the name of Dualtech wherever we go.

Salamat po sa mga taong patuloy na ipinakikilala ang Dualtech.

Salamat po sa lahat ng Learning Facilitator na nagsilbing aming Adviser, Proctor at Mentor at sa lahat ng  Industrial Coordinator na naging pangalawa naming ama na walang sawang nakikinig nang aming mga hinanaing at problema at pagtuturo sa amin ng mga kagandahang asal at pagtulong sa amin.

Salamat sa lahat ng mga Sponsoring Group at Company sa patuloy na pakikiisa sa mga proyekto ng Dualtech at patuloy na tumutulong sa mga kabataang matuto ng mga panibagong kaalaman.

Salamat sa lahat ng Dualtech Management & Administration sa inyong walang sawang pagtulong, pagtataguyod upang makilala at mapaghusay ang Dualtech.

Maraming Salamat po.

Category: 
Share