Opening A New Door

sam-olitoquit-2Isasara na natin ang kabanata ng ating buhay sa Dualtech, at magbubukas ang isang panibagong yugto. Yugto na binuo at hinubog ng ating mga nakaraan. Gamitin natin ito upang sa ngayon tayo naman ang magsisilbing inspirasyon sa mga mag-aaral na narito pa, na kahit na maraming unos tayong tatahakin ito’y ating malalagpasan sapagkat tayo ay hinubog na maging matatag at bumuo ng mga tamang prinsipyo base sa kagustuhan ng ating Panginoong Maykapal. -- SAMUEL V. OLITOQUIT, Class Valedictorian & Learning Excellence Awardee | Angelicum Scholar from Camarines Sur, Trained and Employed at Cirtek Electronics Corporation

Isang malaking karangalan para sa akin ang magsalita sa itaas ng entabladong ito. Sa lahat ng magsisipagtapos sa araw na ito alam ko na may kaakibat na takot ang kagalakang nadarama ninyo. Nagagalak tayo sapagkat sa araw na ito nagtatapos ang dalawang taong paghihirap at pagtatyaga para sa inaasam-asam na diploma na itinuturing na malaking tagumpay ng bawa’t isa sa atin. Nakakabahala sapagkat sa mismong araw ding ito magsisimula ang panibagong yugto ng ating buhay.

Tulad ng karamihan namulat ako sa isang pamilyang nabubuhay sa kahirapan. Naalala ko noong Elementary graduation ko nun, doon nagbago ang lahat. Umuwi ako galing paaralan ng wala na akong taong inabutan sa bahay. Isinugod sa Hospital ang bunso kong kapatid pangalawang araw nun matapos syang ipanganak. Infection at marami pang sakit ang nakita sa kanya. Isang linggo sa hospital subalit hindi naging maayos ang lahat. Hanggang ngayon na magpipitong taong gulang na siya ay hindi pa rin makalakad o kahit makaupo man lamang, hindi nakakapagsalita at pag-iyak at pag-ngiti lang ang kanyang tanging alam.

Dahil sa sitwasyon, naisangla ang maliit naming lupa at halos nawalan na ako ng pag-asang makatuntong sa mataas na paaralan. Pinangakuan ako ng panganay kong kapatid na siya ang magpapaaral sakin at dahil sa kagustuhan kong makapag aral ako’y nakipagsapalaran ngunit di kalaunan ay kinailangan ulit akong tumigil.

Matapos ang taong iyon pumasok ulit ako sa pinakamalapit na paaralan sa aming bahay kung saan ay nilalakad ko ng isa’t kalahating oras araw-araw papunta at pauwi ng bahay. At dahil tumigil ako ng isang taon ikapitong baitang na ang napasukan ko kung saan ito ang unang taon ng K-to-12 program. Pagdating ko sa ikawalong baitang ay isinabay ko na ang pagpasok ng Sabado para sa acceleration test ng Alternative Learning System (ALS). Kasunod ng pagtatapos ko sa ikawalong baitang ay natanggap ko na rin ang diploma pang sekondarya ng ALS.

Hindi na ako nagpatuloy sa ikaasiyam na baitang sa halip ay naghanap na ako ng mapapasukang kolehiyo kahit alam kong wala akong sapat na pinag aralan para dun. Sa hindi inaasahang pagkakataon wala ng tumanggap sa akin na paaralan dahil sa late na ako nag apply at puno na ang lahat ng slots. Sumama ako sa isa kong kakilala paluwas ng Laguna ng walang konkretong dahilan at patutunguhan. Nakituloy ako sa isa kong pinsan sa Cabuyao at malugod naman nila akong tinanggap. Nagtrabaho ako sa kanila bilang helper ng isang taon sa pag-asang papag aralin nila ako sa susunod na taon.

Pagkatapos ng isang taon nagpasya silang pag aralin ako sa kursong Mechanical Engineering sa Pamantasan ng Cabuyao. Subalit ng pumunta kami para magpalista ay wala pala silang Mechanical Engineering doon. Dahil dun napilitan silang ihanap ako ng ibang paaralan. Sabi ng Tito ko sa Dualtech ka na lang kasi may study now pay later dun. Dahil sa sila ang magpapaaral at wala naman ako magagawa pumayag ako.

Noong una suportado ako pero nung malapit na akong matapos ng anim na buwang training ko sa BSTP nalipat kami sa panghapon kung saan ay alas dyes ng umaga hanggang ala siyete ng gabi ang aking pasok. At dahil sa nagbibisikleta lang ako papasok kinakailangan ko na umalis ng Cabuyao dalawang oras bago mag alas-dyes dahil bawal ma-late kasi madedemerit at alas nuwebe ng gabi ang dating ko sa bahay pag uwi. Sa panahong iyon wala na ako halos nagagawa sa mga trabaho ko. Hindi ko na nagagampanan ang makapaglinis ng bahay, makapag carwash, at umaga nalang ako nakakapag hatid ng mga anak ng Tito ko sa eskwelahan. Dahil  kulang sa pinansyal na pangangailangan madalas na akong napasok ng wala sa wisyo at isang pagkakataon ay ang pagkakabangga ko sa kotse habang nakabisikleta pauwi hindi yun nalaman ng Tita at Tito ko. Minsan ko ng inisip ang sumuko subalit salamat sa mentor ko dito na nagpaliwanag ng aking isipan. Doon ko napagtanto na mas matimbang ang tulong moral kaysa sa pinansyal.

Iniyakan ko nalang ang mga hirap dahil humingi man ako ng tulong sa mga magulang ko wala din naman ako maasahan dahil sa walang wala din sila. Sa kabutihang palad, naging scholar ako ng Angelicum Foundation kaya lumipat na ako ng matutulyan mula sa pinsan ko. Dahil sa wala akong pang araw-araw na panggastos pumasok ako bilang tagalinis ng bahay tuwing Lingo.

Naging mabilis ang panahon sa eskwelahan hanggang sa nakapag OJT ako. Isa lang ang pangyayaring hindi ko makakalimutan sa buhay OJT, ang magkasakit ng mag-isa. Ang gumapang papunta sa kusina makakain lang at ang bumyahe ng mag-isa habang umiikot ang paningin papunta sa medical center. Pumapasok ako nun sa trabaho kahit ang sama ng pakiramdam ko dahil mahimatay man ako at least may makakakita sa akin.

Ang pagkakasakit kong yun ang pinakamahirap sa lahat. Ang hirap malayo sa pamilya. Mahirap mabuhay mag-isa. Kaya sa mga kabataang narito at nakikinig ngayon samantalahin nyo ang pagkakataong nasa poder kayo ng mga magulang nyo upang mahalin sila.

At ngayong araw na ito, ako po ang naatasang magpasalamat, sa ngalan ng mga magsisitapos, sa lahat ng mga taong naging susi ng aming tagumpay. Sa management ng Dualtech maraming salamat po lalong lalo na sa mga founders nito. Sa mga learning facilitators na matiyagang nagturo, hindi lamang sa aspetong technical kundi sila ang nagturo sa amin kung paano mag-aral ng mga leksyon patungkol sa buhay, dahil yun ang edukasyon na kailangan namin. Sa mga mentors na sumama sa amin sa loob ng dalawang taon, salamat sa laging pagdinig sa aming mga suliranin, kayo po ang nagbigay liwanag at direksyon sa tinatahak naming landas. Kayo ang tumulong sa muli naming pagbangon sa bawat pagkakadapa. Kayo ang naghubog sa aming pagkatao na habang buhay naming tatanawing utang na loob sa inyo. Sa mga Sponsoring Companies, maraming salamat sa walang sawang pagsuporta sa layunin ng Dualtech na bigyan pa kami ng technical skills at exposure sa loob ng planta. Sa Sponsoring Foundations, lalong lalo na sa Angelicum Foundation maraming salamat po sa tulong na ipinagkaloob ninyo sa amin. Sa mga kuya ko sa bahay na pinaglilinisan ko sa Bangkal Makati at sa lahat ng taong naging parte ng dalawang taong pag aaral ko dito lalong lalo na sa kina Tita at Tito maraming maraming salamat po. Sa mga magulang ko lalong lalo na kay papa na wala po kayong ginawa kung hindi i-challenge ako habang ako’y lumalaki. Humihingi din po ako ng taos pusong paumanhin sa pagiging matigas ang ulo. Lubos po akong nagpapasalamat sa inyo dahil kung hindi nyo po sana ginawa yun siguro nasa bahay pa ako ngayon isang tambay at walang pinag-aralang tao. Kayo po ang dahilan kung bakit matatag ako ngayon, kung bakit ako nakatayo ngayon at kayo po ang dahilan kung bakit mataas ang minimithi kong pangarap. Utang ko sa inyo ang tagumpay ko. At higit sa lahat maraming salamat sa Diyos dahil napunta ako dito sa Dualtech.

Inaamin ko na noong araw ay hindi ko gusto mag-aral dito, lalong lalo na ang magkuskos ng bakal. Ngunit ito ang ginusto ng Diyos para sa akin hindi upang matuto ng technical kundi ang makilala ko kung sino ako at malaman ko kung bakit ako naririto dahil ito talaga ang kailangan ko.

Tandaan natin mga magsisitapos, isasara na natin ang kabanata ng ating buhay sa Dualtech, at magbubukas ang isang panibagong yugto. Yugto na binuo at hinubog ng ating mga nakaraan. Gamitin natin ito upang sa ngayon tayo naman ang magsisilbing inspirasyon sa mga mag-aaral na narito pa, na kahit na maraming unos tayong tatahakin ito’y ating malalagpasan sapagkat tayo ay hinubog na maging matatag at bumuo ng mga tamang prinsipyo base sa kagustuhan ng ating Panginoong Maykapal.

Huwag nating ding kalimutan na tumulong sa Dualtech kahit sa maliit na paraan upang sila ay makatulong pa sa mas maraming mga kabataang tulad natin na nagbigyan muli ng pag-asang bumangon at mangarap muli. Muli ako’y po bumabati ng Maligayang Pagtatapos at Magandang Umaga sa inyong lahat.

Share