I Learned Skills and found God

caagbay“Napakarami pong skills ang natutunan dito sa Dualtech... at higit sa lahat, dito ko po nakilala ang Diyos... Ang pahalagahan Siya at umiwas sa mga tukso na nasa paligid natin. -- Mr. Lloyd J. Caagbay | Trained at Nexperia Philippines Inc.; Employed at Arktech Philippines Incorporated | Awardee, Bronze Merit and In-School Performance


Ako po si Lloyd J. Caagbay ng Tayabas City, Quezon Province. Ang aking pong ama ay isang magsasaka at ang aking pong ina naman ay nasa bahay lamang at tagapag-alaga ng dalawang kong pamangkin. Apat po kaming magkakapatid at ako po ang bunso. Ako lang po ang may tinapos sa aming magkakapatid.

Kahit po mahirap kami pinilit pong itaguyod ng aking mga magulang na mapagtapos ako sa pag-aaral dahil simula po nung elementarya ako ay lagi akong nagtatapos ng may karangalan. Nakamit ko po ang parangal na Athlete of the Year nung natapos ko ang hayskul. Mahilig po ako sa sports at kabilang po ako sa Sports Journalists ng aming paaralan. Ako rin po ang naging pambato ng aming division sa Regional School Press Conference sa larangan ng Sports.

Nalaman ko po itong Dualtech dahil may nakapagsabi sa akin na magulang ng alumnus na ang kanyang anak ay nakapagtapos ng pag-aaral sa Dualtech. At ikiniwento sa akin kung ano ang mga kagandahan sa paaralan ito... Ang maging masipag, matiyaga at higit sa lahat ang madisiplina... sabi ko tamang tama, tamang tama sa pag-aaply ng trabaho ng mga karangalan aking nakamit at higit sa lahat, daan para makapagtrabaho agad at makatulong sa aking magulang.
 
Noong nasa immersion period na ako ng training, naninibago ako dahil akala ko katulad lang ang sistema ng disiplina noong nag-aaral ako sa aming probinsya... Iba pala ang training dito. Kailangan kong gumising ng alas-tres ng umaga sa boarding house dahil sa marami kaming maghahanda para sa alas-sais na pagpasok... Kailangan mauna ka sa pagpaligo at pagbibihis dahil kung mahuli ka sa klase tiyak na madedemerit ka... Ayaw kong mademerit dahil pinangako ko sa sarili ko na magtatagumpay ako...

Marami akong natutuhang value formation sa Dualtech, nariyan ang magsimba, na kahit matulog minsan ako sa misa ay nagbibigay sigla sa akin para sa isang araw na pag-aaral ko. Naging volunteer din ako sa pagtuturo ng Math sa mga kaklase ko at syempre hindi ako makakalimot sa karanasan kong gumawa at matapos ang aking C-clamp... Hindi biro ang pagkikil o pagpafiling na ginawa namin duon. Talagang dugo at pawis ang aming ginugol matapos lamang ang aming workpiece... At dahil sa aking pagsisikap, natapos ko ang aking BSTP bilang Rank 1 sa klase at May 68 merit points, kahit may dalawa akong absent dahil nagkatrangkaso ako.

Nung nagstart na ako sa OJT sa company, Smartscope operator ang posisyon ko, taga sukat ng mga devices... Hindi po madali ang trabahong iyon, kasi critical ang mga measurement dahil nilalagay ito sa mga mamahalin sasakyan tulad na lang ng Audi, Ferrari at yung mga sikat na brand ng sasakyan. Naging all around din ako dun, minsan nagnunumber ako sa mga devices... Naging equipment maintenance technician din ako ng company kung saan naa-apply ko ang aking pinag aralan. Madami akong natutunan, mag repair ng chamber machines, magmaintain o maglinis ng machines, magpalit ng pyesa sa compressor at makisalamuha sa mga kapwa technicians, casuals, supervisors at sa mga managers... Hindi maikakaila na may experience din ako na gusto ko ng huminto dahil sa pagod. Araw araw na byahe at may mga kasama kang mga negatibong tao... May nagsabi pa nga sa akin na “pagkatapos mo’ng mag OJT dito hindi ka maabsorb at mahihirapan kang maghanap ng trabaho”. Hindi ko yon pinansin dahil natutunan ko sa Dualtech ang 'sanctification of work'... gawing banal ang lahat ng gagawin sa pang araw araw at ialay ito sa Panginoon at magpasalamat.

Sa ngayon, ako ay nagtratabaho na sa Arktech Philippines Incorporated bilang isang warehouse staff... Mr. Noboyoshi Suzuki, maraming maraming salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin. Ipinapangako ko po na pagbubutihan ko ang aking pagtatrabaho sa inyong kumpanya.    

Napakarami pong skills ang natutunan dito sa Dualtech... at higit sa lahat, dito ko po nakilala ang Diyos... Ang pahalagahan Siya at umiwas sa mga tukso na nasa paligid natin.

Sa ngalan po ng kapwa ko magsisipagtapos, kami po ay lubusang nagpapasalamat sa lahat ng tulong na inyong binigay upang makamit namin ang mga pangarap namin na makatapos ng pag aaral. Tatanawin po namin isang malaking utang na loob ang lahat ng natutunan namin dito sa Dualtech. Walang hanggang pasasalamat an gaming masasabi at hindi po naming makakalimutin ‘sa isip’, ‘sa salita’, at ‘sa gawa’ ang pagiging isang “TATAK DUALTECH”
 
Nay... Tay! Isa na naman pong karangalan ang maibibigay ko sa inyo. Mahal na mahal ko po kayo. SALAMAT PO!

Category: 
Share