I Learned to be a Good Person

tucay-arielAno ba talaga ang pinakamahalagang itinuro sa akin ng DUALTECH? Para sa akin, hindi ang kakayahan na sa tingin ko ay matututunan ko din naman sa ibang paraan at lugar. Hindi rin ang kaalaman na alam kong maraming tao ang napahamak dahil sa sobrang karunungan. Para sa akin, tinuruan kami maging isang mabuti at masunuring anak sa aming mga magulang. Tinuruan maging mabuti, matapat, at mapagmahal na asawa sa babaeng makakasama namin habangbuhay. Tinuruan kaming maging isang mabuti at responsableng ama para sa pagpapalaki ng aming mga anak sa hinaharap. Samakatuwid, tinuruan kaming maging isang “MABUTING TAO”, na siyang maituturo namin sa mga taong nakapaligid sa amin.

Mr. Ariel Belmis Tucay, Batch Representative
In-school and In-plant Training Performance Awardee
Trained at NXP Semiconductors Cabuyao, Inc.



                            
Saan ba nagsimula ang lahat? Tanong na di ko pa din makalimutan ng sumagi sa isip ko kamakailan na magtatapos na pala ako. Kung may narating,  ibig sabihin ay may sinimulan. Bago ko ipagpatuloy ang aking nais sabihin, naalala ko lamang iyong isang bagay na naitanong sa akin ng aking nakatataas sa aking pinapasukang trabaho ngayon. What drives you today? Napaisip ako at nagkaroon ng alinlangan sa aking sarili nang maalala ko kung saan nga ba nagsimula. Nagsimula sa “WALA” hanggang sa dumating ang isang pagkakataon na sinunggaban ko hindi dahil sa wala nang ibang paraan kundi dahil sa may malalim na dahilan. Ako iyong tipo ng kabataan na maraming gustong malaman, matutunan at masubukan ngunit kulang sa tamang pagpapasya. Nang pumasok ako sa DUALTECH, alam kong mabait ako pero hindi ko alam kung mabuti ba ako. Hanggang sa parang bumalik ang lahat sa high school days nung marinig ko ulit yung salitang “VIRTUE”. Meron ba ako noon? , naitanong ko na lang sa sarili ko. Sa simula mahirap ang mga bagay-bagay na nasa paligid ko. Hanggang sa natuto akong gumising ng mas maaga para unahan ang oras ng industriya. Natutong magtiyaga para mapatunayan ko sa sarili ko na kaya kong maabot ang pangarap ko. Natutong magtiis sa mga bagay na inakala kong mahirap na sa ngayon ay tumatak sa akin na madali pala. Natutong makisama sa mga taong di ko pa nakikilala at nakilala na. Natutong magtipid sa mga bagay na sagana ako ng sa gayon ay may makuha ako sa oras na kailangan ko. Natutong maglaan ng oras at lakas sa mga bagay na akala ko dati’y walang masyadong halaga. Natutong irespeto ang aking kapwa tulad ng pagrespeto ko sa aking sarili. Natutong ibigin ang iba tulad ng pagmamahal ko sa sarili at sa Diyos na syang unang umibig at nagpahalaga sa akin. Natutong mahalin ang trabaho hindi dahil sa salapi kundi dahil ito’y pagsisilbi sa aking kapwa na syang nais ng ating Amang nasa langit.

Hanggang sa naisip ko na ang buhay ko noong una na parang “WALA LANG” ay pwede palang maging “MERON”. Na ang mga siguro ay pwede palang maging sigurado. At ang mga mali ay pwede pang maitama.

Pero ano ba talaga ang pinakamahalagang itinuro sa akin ng DUALTECH? Para sa akin, hindi ang kakayahan na sa tingin ko ay matututunan ko din naman sa ibang paraan at lugar. Hindi rin ang kaalaman na alam kong maraming tao ang napahamak dahil sa sobrang karunungan. Para sa akin, tinuruan kami maging isang mabuti at masunuring anak sa aming mga magulang. Tinuruan maging mabuti, matapat, at mapagmahal na asawa sa babaeng makakasama namin habangbuhay. Tinuruan kaming maging isang mabuti at responsableng ama para sa pagpapalaki ng aming mga anak sa hinaharap. Samakatuwid, tinuruan kaming maging isang “MABUTING TAO”, na siyang maituturo namin sa mga taong nakapaligid sa amin.

Ako ay nagpapasalamat sa mga taong nagturo, naglaan ng tulong, pagod at panahon upang makarating kami sa entabladong ito para patunayan sa iba at sa aming mga sarili na may kaya kaming tapusin sa aming mga nasimulan. Sapagkat sarili lamang natin ang tangi nating kalaban sa bawat araw ng pagsubok. At tanging mabuting pagpapasya lamang ang gamot sa ating mga suliranin, sa tulong ng ating Diyos na syang nagbibigay din ng mga ito na alam nating paraan lamang nya upang tayo ay lalong tumibay sa ating pananampalataya sa Kanya. Pasasalamat din sa aming mga magulang na naging matiyaga para lamang patapusin kami, kahit na minsan ay parang kami na mismo ang sumusuko, ngunit di parin sila nagsawa sa pagpapaalala at pagpatnubay sa amin. Sa mga taong nagbigay ng scholarship sa amin na bagaman di namin sila nakilala ng personal ay taos puso naming pinasasalamatan. Sa mga taong nasa likod ng pamamalakad sa aming paaralan at kumpanyang napasukan. Sa mga kaibigan at katrabahong aming nakilala. Sa lahat ng taong naging instrumento para turuan kaming tumayo at manindigan sa sarili naming mga paniniwala sa kabutihang aming natutunan upang salubungin ang daluyong ng sanlibutan na patuloy parin naming haharapin sa mga susunod pang panahon. At higit sa lahat, sa ating Amang nasa langit. Alam naming wala kaming magagawa kung sa sarili lang naming kakayahan at kaalaman kami umaasa. Salamat Diyos Ama sa lahat ng biyaya at gabay mo sa aming mga buhay. At sa lahat ng aking kamag-aral na kasabay kong magtatapos ngayon. Alam nating lahat na hindi pa ito ang katapusan ng ating lakbayin, bagkus simula pa lamang ng tunay na buhay na ating kakaharapin. Hindi dito natatapos ang pag-aaral, marami pang dapat matutunan.

Share