Follow Your Heart

palillo“Sa ngalan po ng kapwa ko magsisipagtapos, kami po ay lubusang nagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa amin upang makamit namin ang mga pangarap namin makatapos ng pag-aaral. Tatanawin po namin malaking utang na loob ang lahat ng natutunan namin dito sa Dualtech. Hindi man po namin masabi ang pasasalamat pero hindi po namin makakalimutan ang pagiging isang “tatak Dualtech”. -- JOHN RAMIR G. PALILLO | Awardee, Silver Merit and Outstanding In-Plant Performance | Batch Representative, October 27, 2017 | Trained at EMD Technologies Philippines, Inc.


Ipinanganak ako sa Mauban, Quezon kung saan matatagpuan ang magagandang tanawin, at  isa na dito ang Cagbalete Island. Walo po kaming magkakapatid at pangalawa po ako sa bunso at kahit na mahirap lang kami lahat naman po kami ay napagtapos ng pag-aaral ng aming magulang. Medyo pasaway po ako noong bata ako. Natatandaan ko pa nung sinabihan ako ng teacher ko,  “Bakit ang bababa ng grade mo sa English? Bakit hindi ka tumulad sa kuya mo?.. pero pinagtanggol naman ako ng aking mga classmates at sabi nila, “Sir, magaling naman po yan sa Math”… Matataas din naman ang aking grades sa ibang subjects wala lang talaga akong hilig sa English, pero ang pinaka tumatak sa sinabi ng teacher ko bago ako maka-graduate ng high school ay “Don’t let anyone steal your dreams, follow your heart, no matter what.”

 

Nalaman ko itong Dualtech dahil dito nag-aral at nagtapos ang dalawa kong kuya na sina Raymond Palillo, isa na siyang machinist sa Delta Design, may asawa na at dalawang anak at si Mark Junnel Palillo na sa ngayon ay isang electrician sa Power Plant sa Mauban, Quezon.

Noong nag-aaral pa lamang ang mga kuya ko at kapag umuuwi sila sa probinsya galing Dualtech nakakapanibago ang mga kinikilos nila. Nagmamano, nagpapaalam bago umalis ng bahay, nagdadasal bago at pagkatapos kumain, at pala simba na sila. Gusto kong maging katulad ng mga kuya ko… grumadweyt sila na may karangalan! At ngayon, mas mapalad ako dahil ako ang napili na magsalita upang magpasalamat para sa lahat.

Noong magstart na akong magaral sa Dualtech, naka focus na ako sa gusto kong makamit pero syempre dapat paghihirapan ko para maging proud ang mga magulang ko sa akin. Noong nasa basic stage training pa lamang ako, maaga na ako pumapasok. Alas tres pa lamang ng madaling araw ay naliligo na ako at naghahandang pumasok upang hindi matrapik o mahuli. Sa katunayan nga po, 4:50am pa lamang ay naghihintay na ako na buksan ang Gate 4 ng industrial park para maaga ako’ng makarating sa Dualtech.  

Kasali po ako sa “hacksaw group”- volunteer po ako upang magputol ng bakal  para  sa mga bagong mag-aaral. Nagtuturo din po ako ng Basic Math sa mga classmates ko at umiiwas din ako mademerit.  Nakatanggap ako ng “Sagot Award”. Iyon ang unang award na natanggap ko sa buong buhay ko, dahil sa totoo lang wala akong nakuhang award nung elementary at high school. Natapos ako ng six months na may isang absent dahil nagkasakit ako pero ako pa rin ang  Rank 1 sa klase at may mataas na merit points.

Nagsimula ako ng OJT sa company.  Material handler po ang posisyon ko. “Taga tulak”, “taga-buhat” at “taga-dala” ng materyales na gagamitin sa assembly. Hindi po madali ang trabahong iyon, may maririnig kapa na hindi magagandang salita kapag hindi kaagad na ibigay ang request ng assembly. Marami na ang sumuko doon na casual at OJT… at naisipan ko na rin ang sumuko… Pero dahil sa natutunan ko dito sa Dualtech ang “sanctification of work” gawing banal ang lahat ng gawain at ialay sa Diyos- iyon ang iniisip ko para  sa Panginoon, kakayanin ko. Iniisip ko na parang “nagwowork out” lang ako araw-araw.  Pero wala pa lang imposible sa Panginoon, after two months nailipat ako ng department at naging equipment maintenance technician ako. Marami akong natutunan bilang technician, mag repair ng vacuum pump,  magmaintain o mag-ayos ng mga sira sa mga machines, magpalit ng pyesa, at makisalamuha sa mga operators, kapwa technicians, group leaders, supervisors at managers upang magtanong, makisama at matuto… ngunit sa diko inaasahan, hindi ako na absorb para magtrabaho… Pero alam ko na marami pang oportunidad na naghihintay sa akin at naniniwala ako na magagamit ko ang mga natutunan ko sa kumpanya.

Noong nakaraang September 17, ako ay nakapasa sa assessment ng TESDA sa Electrical Installation and Maintenance, NC II at nabigyan ako ng pagkakataon magtrabaho sa sarili kong bayan, sa Mauban, Quezon sa Power Plant bilang isang “electrician” at gagamitin ko ang mga skills at virtues na natutunan ko dito sa Dualtech at Company. Ito pala ang dahilan kung bakit ako hindi na absorb.

Marami po akong natutunan dito sa Dualtech. Isa na dito ay ang pagiging maka Diyos. Dati isang beses lang ako nakakasimba sa isang taon, ito ay tuwing Pasko lamang... Ngayon po every Sunday na ako nagsisimba at naging madasalin narin po ako.

Sa ngalan po ng kapwa ko magsisipagtapos, kami po ay lubusang nagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa amin upang makamit namin ang mga pangarap namin makatapos ng pag-aaral. Tatanawin po namin malaking utang na loob ang lahat ng natutunan namin dito sa Dualtech. Hindi man po namin masabi ang pasasalamat pero hindi po namin makakalimutan ang pagiging isang “tatak Dualtech”.

Sasamantalahin ko na po ang pagkakataong magpapasalamat ako sa aking mga kapatid na nagtutulong para makapagaral ako ng maayos at higit akong nagpapasamat sa aking magulang na pinagkakautangan ko ng aking buhay. Ito na po ang inyong dating pinakapasaway na anak, mahal ko po kayo, para sa inyo po ito. Salamat Po!

 

Category: 
Share