First, Give Your Best

charly-mangante-2017Sa buhay natin, lagi nating tatandaan itong dalawang bagay: Una-“ibigay natin lahat ng ating makakaya” at Pangalawa- “Ang Diyos na ang bahala sa huli”. Magkakaiba tayo ng pinagdaraanan sa buhay. Minsan, nararamdaman natin na parang imposible. Pakiramdam natin, hindi na natin kayang  paglabanan ang ating pagsubok sa buhay. Pero ito ang masasabi ko sa ating lahat: Huwag tayong lumaban ng mag-isa lang dahil kailangan natin ng karamay, kailangan natin ang Diyos at bibigyan Niya tayo ng kakayahan, lakas ng loob at karunungan na kailangan natin. -- CHARLY L. MANGANTE, Class Valedictorian | Trained at TUV Rheinland Philippines, Inc.



Lumaki ako sa  isang liblib na baryo ng Salcedo Ilocos Sur. Isang simpleng pamumuhay at isang masayang pamilya ang kinagisnan ko. Ang aking mga magulang ay magsasaka. Sa ganitong trabaho sila  kumukuha ng  pang-tustos sa aming pag-aaral. Lima kaming mag-kakapatid at sabay-sabay na nag-aaral. Grade 1 pa lang ako noon, nung matuto akong magtrabaho sa bukid. Sa mura kong edad, nagpursigi pa din akong  magtrabaho kahit mahirap. May pagkakataon pa nga na  wala kaming maulam pero gumagawa ako ng paraan para makakain. Nag uulam ako ng  asin at mantika, kahit papano masarap naman. Lumaki ako sa ganitong paraan ng pamumuhay  hanggang makapagtapos ako ng secondarya. Hindi muna ako makapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo, dahil hindi kami kayang pag-aralin ng sabay-sabay sapagkat kapos kame sa pinansyal. Ganun pa man, hindi ako nawalan ng pag asa. Sabi nga nila “walang pinipiling edad ang pag-aaral”.

Sa araw ng pagtatapos ko sa sekondarya, tinanggap ko ang alok sa akin ng aking kamag-anak na magtrabaho dito sa Laguna at nagpasya akong lumuwas. Ito na ang pinakamahirap  at pinakamasakit para sa akin, ang mapahiwalay sa piling ni nanay, sa piling ni tatay at sa aking pamilya. Alam kong masakit din ito para sa kanila. Naiiyak nga ako noon kapag nakakausap ko sila sa cellphone. Matinding pagsubok ito sa akin. Dito na ako natuto kung paano tumayo sa sarili kong paa.

Nagtrabaho ako sa isang kompanya sa Carmelray Industrial Park 2 bilang isang operator. Labing anim na taong gulang pa lang ako noon. Hindi madali ang naging trabaho ko doon. Nakipagsapalaran ako, kahit na mabigat at paiba-iba ang aking trabaho. Lakas ng loob at nagtiyaga ako para malampasan  ko ito at para makatulong ako sa aking pamilya. Na-absorb ako sa kompanya noong July 2011 bilang isang production operator. Nagtrabaho ako sa kompanya ng halos limang taon. Iba't- ibang tao ang nakasalamuha ko at iba’t ibang pag-uugali. Bukod pa doon, napakadaming tukso. Nagpasya na akong magpatuloy sa pag aaral sapagkat tapos na sa kolehiyo ang aming panganay at meron ng trabaho. Siya na ngayon ang  sumuporta sa aking pag aaral. Hindi ko alam noon kung saan ako mag aaral. Sinabihan ako ng katrabaho ko, isang Dualtech alumnus na subukan kong pumasok dto.

May 2015, nag enroll ako sa Dualtech. Ang akala ko lang noon ay technical skills lang ang tinuturo ng school kundi itinuturo din ang Basic Christian Doctrine. Tinuruan tayo kung paano mamuhay ng simple bilang isang tunay na Kristyano. Noong unang linggo ng training ko sa Dualtech, nasabi ko sa sarili ko “ang hirap pala”. Sa bawat pagkakamali ko, natututo ako. Natutunan ko kung paano maging disiplinado  bilang isang estudyante at bilang isang tao.

Marami akong natutunan dito sa Dualtech. Natuto akong magturno gamit ang lathe at milling machine, magwelding, maggawa ng power supply, mag assemble ng motor control at marami pang iba. Lubos na nagpapasalamat ako sa Dualtech at binigyan ako ng opportunity na mapalapit sa Diyos. Tinulungan tayo ng Dualtech na baguhin at hubugin ang ating pagkatao. Tinuruan tayo kung paano maging isang mabuting manggagawa at maging isang mabuting tao. Natutunan ko na din ang magdasal sa araw araw. Kahit  saan man ako naroroon, “always pray because in every second of our life, God blesses us always”.

Nag-training ako sa TUV RHEINLAND PHIL. INC., sa Pasong Tamo, Makati. Ang aking trabaho doon ay nagtetest ng mga household appliances. Tinetest namin ito base sa Bureau of Product Standards. Natutunan ko dito, kung paano magrepair ng appliances. Natuto din ako, kung paano magbudget ng allowance sapagkat kinakapos ito. Malaki ang gastusin sa Makati dahil napakamahal ng upa sa bahay at pati ang mga pagkain.

Sa buhay natin, lagi nating tatandaan itong dalawang bagay: Una-“ibigay natin lahat ng ating makakaya” at Pangalawa- “Ang Diyos na ang bahala sa huli”. Magkakaiba tayo ng pinagdaraanan sa buhay. Minsan, nararamdaman natin na parang imposible. Pakiramdam natin, hindi na natin kayang  paglabanan ang ating pagsubok sa buhay. Pero ito ang masasabi ko sa ating lahat: Huwag tayong lumaban ng mag-isa lang dahil kailangan natin ng karamay, kailangan natin ang Diyos at bibigyan Niya tayo ng kakayahan, lakas ng loob at karunungan na kailangan natin. Alam kong magkakaiba tayo ng dinanas na pagsubok sa ating  buhay, sa ating training pero napaglabanan natin ito at natapos natin sa pamamagitan ng grasya ng Diyos. Lalabas na tayo sa Dualtech dala ang markang inukit  sa puso at isipan ng bawat isa sa atin. Tungkulin natin bilang isang Dualtech graduate na isabuhay at ibahagi sa iba ang natutunan natin dito at tulungan ang taong nangangailangan ng tulong natin.

Maraming salamat sa Dualtech! binigyan mo kami ng mataas na kalidad ng edukasyon. Sa ating mga magulang at mga kapatid, kayo ang naging inspirasyon ko sa buhay. Sa ating mga classmates, batchmates, lahat ng Dualtech staff, mga learning facilatator, mga coach at mentor at sa lahat ng industrial coordinator ng Dualtech. Maraming salamat!

Ganun din sa lahat ng mga partner company ng Dualtech na patuloy na sumusuporta sa aming pag aaral. Sa TUV Rheinland, na kung saan ako nagtraining, mga co-trainee, mga co-worker at mga  tagapagtaguyod ng Dualtech. Maraming salamat po!

At higit sa lahat, pasalamatan natin ang Panginoon Diyos, salamat sa lahat ng biyayang pinagkaloob Mo sa amin!

 

 

Share