A Balanced Life

rodel-talento“Dito ko lang natutunan ang mangarap ng mataas at malaman ang kahulugan ng buhay at higit sa lahat kung paano mapalapit sa Diyos at makaiwas sa ano mang tukso sa buhay. Dito ko lang natutunan na magkaroon ng oras sa Diyos hindi puro career lang ang pinauunlad kundi pati na ang spiritual life ko..."

RODEL TALENTO | Awardee, Silver Merit, Outstanding In-School and In-Plant, and Learning Excellence | Trained at EMD Technology Philippines, Inc.


“ Great works are performed not by strength but by perseverance”. Mga kapwa ko magsisipagtapos, kung ano man po ang meron tayo ngayon, kung bakit natapos natin ang pagsubok na ito at kung ano man ang matatanggap natin sa araw na ito, ito ay hindi dahil sa tayo ay magaling kundi natapos natin ito dahil tayo ay nagpursigi at nagsikap!

Ako po ay ipinanganak sa bayan ng Labo, Camarines Norte. Ang mga magulang ko po ay mga pawang magsasaka. Meron po kaming sariling niyogan at palayang pinaghahanapbuhayan sa aming probinsya. Kami po ay sampung magkakapatid at ako po ay ikawalo. Hindi sapat ang kinikita ng aking mga magulang para kami ay lahat makaapak ng pag-aaral sa kolehiyo. Maswerte na ako dahil nakatungtung ako ng kolehiyo pagkatapos ko ng high school taong 2011.  Hindi naging madali iyon sapagkat ako rin ay may kaakibat na tungkulin na dapat gampanan sa aming Barangay. Ako ay nahirang upang magsilbi bilang isang SK Chairman ng mga Kabataan sa aming lugar. Sobrang nahirapan akong pagsabayin ang pag aaral at tungkulin ko sa Barangay. Lalo pa ang aking pinapasukang paaaralan ay may kalayuan sa aming bahay. Nangailangan pa akong mangupahan, kasabay pa nun nandyan pa ang tukso ng mga barkada, kung saan ako ay inaakit na magbisyo gaya ng mag-inom ng alak, manigarilyo at magsugal na minsan ay inaabot pa ng magdamag. Nang matapos ko ang 2nd year college, duon na kami nagkaroon ng financial problem, kasabay pa nun ay tapos na din ako sa aking termino sa pagiging Sk Chairman. Nagkaroon ako ng utang ng malaking halaga sa aking kapatid, kaya naman nagdecide na akong tumigil ng pag-aaral at lumuwas dito sa Laguna upang maghanap ng trabaho at makapagbayad. Sobrang hirap maghanap ng trabaho dito lalo na kung ikaw ay walang natapos, wala pang “work experience” at hindi mo pa alam ang mga pasikot-sikot dito sa Laguna.

Pagkatapos ng isang buwan, nakapasok ako sa isang “Food Company” sa Laguna Technopark. Nagtrabaho ako bilang isang “production worker” na taga “repack” ng pagkain. Hindi  ko nagustuhan ang sistema duon hindi dahil sa ginagawa kundi sa schedule ng pasok duon. Minsan mas maraming araw ang walang pasok sa loob ng isang linngo kesa meron. Sa loob ng dalawang linggo ay apat na araw lang ako nagkaroon ng pasok. Kung kaya naman ay hindi na ako nagdalawang isip na magresign kahit alam kung bago palang ako.

Naghanap ulit ako ng bagong trabaho, maswerte naman ako dahil wala pang isang linggo ay nakahanap na agad ulit ako ng bagong papasukan sa isang Japanese Auto Parts Company (LAMCOR). Nagtrabaho ako doon bilang isang CNC Lathe machine operator na sa una ay medyo nahirapan ako dahil wala pang akong alam sa pagmamakina. Marami akong natutunan doon hindi lang sa “skills” kundi na rin kung paano makisama sa ibat-ibang ugali ng empleyado. Malaki sana ang sinasahod ko kada kensenas subalit noon ay 5 months contract ako kaya pagkatapos ng kontrata ay kailangan na namang maghanap ng panibagong trabaho. Natagalan ulit ako maghanap, inabot din ako ng tatlong buwan bago nakapasok ulit ng trabaho.

November 27, 2014 ng makapagsimula ulit ako ng trabaho sa Fujitsu Die tech sa Laguna Technopark. Nagtrabaho ako dun bilang isang “assembly worker” at duon ko nakilala ang Dualtech     dahil sa mga naging kaibigan kong trainee duon. Marami akong naging kaibigan na mga trainee ng Dualtech. Maraming sinasabi sa akin yung mga kaibigan ko tungkol dito na lagi naming napag uusapan habang kami ay nagtratrabaho, Na-inspire ako sa kanya hindi dahil sya ay magaling sa skills kundi mayroon syang maayos at matuwid na pangarap sa buhay at merong “formation” na tanging Dualtech lang daw ang nagbigay sa kanya nuon. Kung kaya naman ay hindi na ako nagdalawang isip na magtanong kung paano makapasok dito at kung paano to mapuntahan. Nang malapit ng matapos ang kontrata ko sa company ay kinausap ako ng Group Leader namin. Gusto nya raw akong irecommend para maregular subalit hindi ko ito tinanggap. “Sayang” kasi alam kong pagkakataon ko na sana iyon para magkaroon ako ng permamenteng trabaho pero pinili ko pa din ang mag enroll sa Dultech sapagkat alam kung hindi lang magandang trabaho ang maibibigay sakin dito, alam kong malayo ang mararating ko pag ako ay nakapagtapos dito sa paaralang ito at duon ay sinupurtahan naman ako ng aking kapatid at magulang.

June 15, 2015 araw na nagsimula akong pumasok dito sa Dualtech. Sobrang  ibang iba dito kumpara nung nag aral ako ng college. Pagpasok mo palang disiplinado kana, pero sa edad kong 21 years old hindi na ako nahirapang mag-adjust. Lagi kong pinaaalala sa sarili ko na kailangan kong makapagtapos at ayaw kong madissappoint ang mga magulang ko.

Sa loob ng 6 months na schooling dito ko naranasan ang lahat ng hirap sa pag aaral, pagsasakripisyo, paglalakad ng sobrang layo, paggising ng sobrang aga at pagpasok kahit may bagyo. Pero lahat ng yun balewala at tiniis ko kasi gusto kong makatapos, sabi nga”Obstacle can’t stop You, Problems can’t stop you, Most of all, other people Can’t stop you. The only one who can Stop you is Your self!, yan lagi ang tinatandaan ko. Walang sino mang makakapagpigil sa ating mga pangarap kundi ang sarili lang natin. Lahat ng paghihirap ko dito sa Dualtech ay worth it! At hinding hindi ko pagsisihan at proud akong ipagmalaki saan man ako makarating.

Dito ko lang natutunan ang mangarap ng mataas at malaman ang kahulugan ng buhay at higit sa lahat kung paano mapalapit sa Diyos at makaiwas sa ano mang tukso sa buhay. Dito ko lang natutunan na magkaroon ng oras sa Diyos hindi puro career lang ang pinauunlad kundi pati na ang spiritual life ko. Maraming Salamat sa mga taong tumulong para matutunan ko ang mga ganitong bagay. Salamat sa lahat ng mentor ,coaches at IC na laging sumusuporta kahit na kami ay nasa training na sa Company.

Maraming maraming salamat po Dualtech sa lahat ng kaalamang pinagkaloob nyo sa akin at sa mga kapwa ko magsisipagtapos ngayon. Ang lahat ng natutunan ko dito ay laging dala dala at hindi mawawala at laging ipagmamalaki saan man ako makarating. Salamat pong muli.

The difference between your Dreams and Reality is Prayer and Sacrifice. Higit sa lahat maraming salamat sa Poong may Kapal sa biyayang pinagkaloob nya sa atin. Sa paggabay para matapos ng matagumpay ang 18 months training.

Maraming salamat Lord!

 

Category: 
Share